Sunday, February 8, 2009

Ang Pilosopikal Na Pagbati Sa Isang Kaibigan

Nangako ako sa isang kaibigan ng isang sorpresa para sa nalalapit niyang kaarawan. Ako naman si Tanga nakalimot ng diperensya sa time zone. Dapat pala ay natapos ko na kahapon ang ginagawa ko dahil Sabado na kahapon sa Pilipinas. At dahil lampas alas sais na ako ng umaga nakatulog kanina, tinanghali ako ng gising at saka ko lang naalala ang kinalimutan kong responsibilidad. Mabuti na lamang at nang magpunta ako sa library, saktong nakita ko ang libro tungkol sa biography ng pilosoper na paborito namin pareho. Nagbago ako ng plano at sa halip na lumuha ako ng dugo sa pagpapakadesperado makagawa lang ng isang tula para sa kanya, minabuti kong idaan na lang sa pormang komportable ako - sa prosa. Sa loob ng napakahabang taon, ngayon lang uli ako kumuha ng bolpen at isang piraso ng papel. Hinayaan kong tangayin ako ng aking isip. Nagpailalim sa kapangyarihan ng old-school writing.

***

Our friendship was not an easy one, but I shall miss it. If you break it today, it is certainly because it had to break. Many things brought us together, few separated us. But these few were still too many: Friendship can also become totalitarian; one must agree on everything or fight... Unfortunately you singled me out so deliberately and in so unpleasant a tone that I cannot remain silent without losing face. I shall therefore reply, without anger but, for the first time since we have known each other, without circumspection. A mixture of somber self-conceit and of vulnerability has always discouraged anyone from telling you whole truths. The result is that you have become the victim of a bleak immoderation which masks your internal difficulties and which you call, I believe Mediterranean measure. Sooner or later someone would have told you; let it be me.

~ An excerpt from Jean Paul Sartre's reply on August 1952 issue of Les Temps Modernes from Albert Camus: A Biography by Herbert R. Lottman, p.504


Iniisip ko kung kailan tayo nag-away. O kung kailan tayo nagkaroon ng tampuhan o di-pagkakaunawaan. Iniisip ko kung kailan tayo nainis sa isa't isa. Kung kailan ako napikon, naasar, o nainggit sa'yo o ikaw sa akin.

Pero wala akong maalala.

Totoo ba ito?

Kahit hindi magkarugtong ang ating mga bituka, inako kita bilang sariling tao. O mas akma kung sasabihin kong kaputol ko. Hindi extension. Magkaiba tayo. Kaputol. Dahil ikaw ang nawawalang puwang sa aking pagkatao.

Wala na nga bang makaiintindi satin?

Siguro nga wala na. Wala na. Wala. Pero sapat na sakin yon.

Alam mo ba kung bakit?

Dahil nalaman kong hindi ako nag-iisa. Hindi pala ako nag-iisa. At mula sa sandaling 'yon, hindi na ako uli mag-iisa. Hindi na.

Marami akong natagpuang gustong awayin ang mundo. Pero ikaw ang nakilala ko.

Hindi sumagi sa isip ko na magpumilit na ikaw ay makita ko. Hindi dahil sa ako'y natatakot o nahihiya o ano. Wala akong dahilan. Pero kung sakali man na dumating ang pagkakataong mapagbigyan tayo ng tadhana na magtagpo, mabuti. Kung hindi naman, walang problema. Dahil sa pakiwari ko'y hindi na lamang sa pisikal na koneksyon mapagtitibay ang pundasyon ng ating binuong samahan. Sa palagay ko'y naisakonkreto na itong ating sitwasyon mula pa nung una nating pag-uusap.

Ilang taon na nga ba mula nang tayo'y magkausap? Apat.. lima.. anim.. o pitong taon ba? Hindi ko man matiyak, ayaw ko nang paabutin pa ng isang dekada bago kita pansinin at lingunin ang ating naging kwento.

Ginawa kitang voice recorder sa mga litanya ng buhay ko.

Kilala mo na lahat ang dapat mong makilala kung nagsusulat ako sa ink diary. Lahat ng naglalaro sa aking isip, gago man o tanga lang o baliw. Higit sa lahat, pinagsaluhan natin ang aking mga delusyon.

Ngayon iniisip ko kung nagkakasala ako dahil sa'yo. Naging makasarili ba kaya ako sa'yo noon? Dahil sa tuwing dadalawin ako ng sumpong, ikaw palagi ang hinahanap ko. Hinihila kita sa aking sariling kumunoy.

Ginagamit ba kita sa aking conspiracy?

Hinahawaan ba kita ng aking paranoia?

Itinutulak ba kita sa karimlan?

Kanina ko lang natagpuan sa library ang biography ni Camus na pinagkunan ko ng quote sa itaas.

Nang mabasa ko ang quote, agad kong naisip tayong dalawa.

Kailangan ba nating mag-away para mapatunayan sa mundo na mapagtitibay pa lalo natin ang ating samahan, alinsunod sa dikta ng lipunan?

Gusto kong ma-guilty. Sabihin mong pinaglalaruan lang kita dahil sa mga sinasabi ko ngayon. Sabihin mong sira-ulo ako dahil sinabi kong hindi natin kailangang magtagpo. Sabihin mong gusto mo na akong layuan dahil nagbago na ang buhay mo at ayaw mo nang alalahanin ang ating madilim na sinapit sa ating nakaraan. Sabihin mong ayaw mo na.

Pero sasabihin ko sa'yo, hindi kita pakakawalan. Dahil ikaw ang nawawalang kawing sa pagitan ng aking sarili at ng aking isip.

Alam mo bang isa akong dalawang kalahati? At ikaw. Ikaw. Ikaw ang siyang naging tanikala.

Ikaw ang kaputol ko.

Ako, ano ba ako sa'yo?







ADVANCE HAPPY VALENTINE'S BIRTHDAY, WAN-CHAN!



PS. Dinalaw na naman ako ng aking kasumpa-sumpang sakit. Sa paghahangad kong kita'y sorpresahin, ako pa yata ang nasorpresa. Pagpasensyahan mo na itong nakayanan ko. Sana hindi ka mahilo. Namimiss ko na ang Philosophy. Nag-away pala ang idol mo na naging idol ko at ang dating idol ko.

***



Kaya naman pala ako nagkakaganito. Napag-alaman kong bilog na naman ang buwan ngayong gabi.

0 comments: