Pages

Friday, July 18, 2008

Sur(e)name

Fourth year highschool nang mapasama ako sa isang Science camp sa Laguna. May mga contest kasi. Isasali raw ako sa Essay Writing. Mayroon ding Extemporaneous Speaking contest. Aywan ko ba kung bakit tinawag iyong camp. Samantalang hindi naman kami nagtayo ng tent at gumawa ng bonfire. Pagkatapos, sa loob pa kami ng isang iskwelahan tumigil nang tatlong araw. Higit sa lahat, Beauty Pageant ang highlight ng camp. Pero kahit napraning ako sa konsepto nila ng camp, sinuwerte naman ang aming school dahil nanalong fourth runner up ‘yung muse at escort namin. Tsaka naka-first place pa ‘yung escort namin na sumali sa extempo at sa awa rin ng siguro’y inaantok nang hurado, ako sa essay.

Makalipas ang ilang araw, may isinabit na streamer sa kaliwang bahagi ng higanteng gate ng aming school. Ang balita ko’y pagpupugay daw sa mga nanalo sa Science camp. Kakabog-kabog ang dibdib ko kasi siyempre kasama ako sa mga nanalo, kahit pa nga sabihin ng ibang tsamba lang. E dati ko pang pangarap na makita ang ngalan ko sa streamer. Pagkatapos napagbigyan naman ng tadhana. Sino ba namang hindi masasabik sa balita? Pero hindi ko muna sinilip ang banner. Hinintay ko mag-sabado para mas matitigan ko nang matagal ang natupad kong pinakaaasam-asam na pangalan kong nakasulat nang malaki sa streamer.

Sabado. Dumaan ako sa iskwelahan at tumigil sa harap ng higanteng gate. Nakita ko ang ka-pangalan ko na unang nakatala sa mga mas maliliit na pangalan sa ibaba ng higanteng ngalan ng aming Muse at Escort. First placer din siya sa Essay Writing.

Si Viola Flores.

Buti pa siya. Akala ko pa nama’y natupad na ang aking pangarap.

***

Nang tumuntong ako nang first year sa kolehiyo, isa sa pinakaunang requirement ang magpagawa ng ID, na sa ikalawang linggo ng unang buwan ng pasukan mo makukuha. Hindi man lang sumagi sa aking isip na sa lawak ng mundo at sa laki ng populasyon ng aking iskwelahan ay (im)posibleng may carbon-copy ang mukha ko.

Aaminin ko ngayon na ninakaw ko ang kanyang pagkatao sa loob ng isang semestre. Labas-masok ako sa mga library gamit ang kanyang ID. Pero may kasabihan nga tayo na walang sikretong hindi nabubunyag. Kaya nang kukunin ko na ang classcard ko sa English I, napilitan akong gamitin ang aking amateur talent sa pagsisinungaling na pinunan ko na lamang ng pa-innocent-look epek. Nakalusot naman ako pero mula noon ay tinabi ko na sa aking drawer ang ID ni Viola Fillores at nagpasyang tubusin sa OUR. ang tunay kong ID.

Sa mga nakakikilala sa kanya, mangyari lamang na ipagbigay-alam ninyo sa akin sa lalong madaling panahon nang maisauli ko na ang matagal nang nawawalang ID ni Viola Fillores.

***

Hindi ko maiwasang hindi makaramdam ng bara sa aking lalamunan sa tuwing naaalala ko ang titser ko sa highschool sa English I. Mutual ang aming naging pakiramdam para sa isa’t isa. Hinahanap niya sa akin ang hindi ko naman kilala at ang maririnig naman niyang napipilitang magrecite sa kanya ay hindi niya kilala. Pero kahit ipinasa naman niya ako nang matapos ang taon, hindi pa rin ako mapalagay sa taong pinagpipilitan niyang makita sa akin.

Sino ba si Feriols?

Sino ba ang Miss Feriols na pinag-rerecite niya?

Sino ba ‘yun?

No comments:

Post a Comment