Thursday, January 29, 2009

Inuutakan Ako!

Mula nung Sabado ng gabi, wala akong gana kumain. Wala namang kaso saken kasi hindi rin naman ako nakararamdam ng gutom. Ang nakapagtataka napansin ito sa bahay. Dahil wala naman akong ibang maidahilan, sinabi ko ang totoo. Ayoko lang basta kumain. Violent reaction. Mawalan daw ako ng gana kung wala na akong makain.

Kanina habang nagtitiklop ng mga nilabhang damit sa sala, naalala ko yung librong aksidente ko lang na binasa. Natabunan na ang kanyang istorya ng mga nobelang hiniram ko sa Library na pinagpiyestahan ko sa loob ng ilang magkakasunod na gabi. Pero kanina parang tinutuya ako ng sarili kong isip. Oo, natabunan na nga pero merong naiwang impresyon sa aking alaala na hindi ko maikakaila. At siguro, sabihin nang nakarananas ako ng isang klase ng 'shock' habang nagbabasa, bilang depensa ng utak e ni-repress ang dahilan ng 'shock' sa aking subconscious. Pero nagkataong 'idle' ang utak ko kanina kaya marahil, sinamantala ito ng subconscious at nagpaimbulong sa aking conscious mind ang mapait na alaala.

At dahil ako ay isa lamang bagay na kinokontrol ng utak, Wala akong nagawa kundi balikan ang libro at hanapin ang bahagi kung saan ko na-engkwentro ang 'shock'.

May aaminin ako. Mula pa nung kolehiyo, pinagdududahan ko na ang takbo ng sarili kong utak. Dahil utak siya, alam kong kinokontrol niya ako. At dahil utak nga siya, sinasamantala niya ang kahinaan ko. May pagkasadista ang linsyak na utak na 'yan. Yung mga bagay na hindi ko dapat pinapakialaman, pinag-aaksyaahan ng panahon, o dapat na kinakalimutan na, ay pilit na ikinukulit sa akin na tuklasin ko raw sa pormang katumbas ng diwang 'curiosity' o kaya ibinabalik sa aking alaala sa pormang katumbas ng diwang 'trauma'.

Ito ang nagbigay ng labis na anxiety sa akin. Alam kong di ako tatantanan ng utak ko kung patuloy kong ire-repress sa subconscious ang bagay na ito.

Kailangan ko ng outlet!

0 comments: