Isang araw, napagpasyahan ng kapatid ko na tacos ang hapunan namin. Nagpunta kami sa Shopette at bumili ng mga sangkap. Pagdating sa unit, tumulong ako sa kusina. Ako ang nagluto (naghalo sa kawali) ng ground beef. Nagsalang din ako sa oven ng curly fries.
Nang matapos ako sa ground beef, saka niya ako inutusan na i-prepare ang soft tacos. Madali lang ang task ko. Isasalang ko lang isa-isa ang soft tacos sa microwave nang isang minuto. Pero hindi ko na maalala ang sumunod na mga pangyayari...
Naamoy ko na lang na may panganib na nakaamba sa akin nang oras na buksan ng kapatid ko ang umuusok na microwave. Pumalakpak ang aking tenga. Saka ko isa-isang na-absorb ang malulutong na murang ibinato niya sa akin. Awa ng Diyos, di umabot sa fire alarm.
O diba ang corny?
Hindi na ako marunong magkwento. Siguro kasi wala nang pressure. Wala nang driving force. Wala nang rebe-rebelde kasi pag-aari ko na ang buong oras ko. Di tulad noong nag-aaral pa ako, ngayon aking-akin ang panahon.
Wala na ring pagtatasa ng mga ideya. Wala na ring pag-da-dissect ng mga impormasyon. Ang tanging sandata ko ngayon para huwag kalawangin ang utak ay ang DSLite na hiniram ko sa isa ko pang kapatid. Regular kong sinusubok ang aking sarili sa Brain Age Check. 20 ang ideal age. Nagsimula ako sa pagiging 84 (ata). Ngayon, naglalaro sa 32 at 26 ang edad ko. Papalit-palit. Malapit na ako maasar dahil hindi na tumataas. Pinangangambahan kong ako'y maging isang retard. Pag nangyari yun, iinom ako ng gasolina.
Speaking of gasolina, mas mababa ang presyo ng gasolina kada litro sa Washigton DC kesa sa Washington state. Pero hindi ko sinasabing mura. Siyempre kasi ako ang umaako ng pa-gasolina sa kotse ng kapatid ko kapalit ng paggamit ko nito.
Ayoko pag-usapan ang tungkol sa lisensya. Linsyak! Naaalala ko kasi ang pagmumukha nung Intsik na lalaki at Puting babae sa opisina. Kaya naaalala ko pati na ang isyu tungkol sa instruction permit ko na Non-Photo ID.
Putris na yan! Saan ka nakakita ng identification na walang retratong ebidensyang ako nga ang katauhang yun?! Ang dahilan kasi wala umano akong proof of residency.
Magnilay-nilay tayo.
Nakasaad sa Washington State Drive Guide, ang mga bagong dating na migrante ay kinakailangan magsumite ng aplikasyon para sa pagkuha ng lisensya sa loob ng sampung araw mula sa petsa ng pagdating. Bago makakuha ng lisensya, kinakailangan munang sumailalim sa isang pagusulit. Nararapat na maipasa ang nasabing written exam upang mapagkalooban ng instruction permit at ng pagkakataong makapag-drive test.
Sa kaso ko, na ginugol ang dalawampung taon bilang pasahero, wala akong kaalam-alam sa pagmamaneho kaya naman nang maipasa ko ang written test, hindi muna ako nag-drive test. Dapat lang talaga na hindi ako mag-drive test kung ayaw ko makatikim ng mapait na failure sa tunay na buhay sa labas ng iskwelahan.
Kitams? Kasasabi ko pa lang na ayoko pag-usapan naidaldal ko na. Badtrip kasi. Sa lahat ng ayoko yung nagmumukha akong tanga lalo't ang kaharap ko ay ibang lahi. Xenophobic vs. Racist.
Wala akong proof of residency. Samakatuwid, wala akong picture sa I/P.
Sa ibang salita, hindi ako nag-eexist. $@#&?!
Wala akong proof of residency kasi bagong dating lang ako. Bagong dating ako at wala pang sampung araw nang mag-take ako ng written test. Wala pang sampung araw nang mag-take ako ng written test dahil yun ang nakasaad sa Washington State Drive.
Tanga lang ba talaga ako o may malabo sa policy?
Dahil naumpisahan na rin lang ang katangahan, ipagpatuloy na.
Katangahan sa ngalan ng katangahan. Kaya lumipad ako pabalik sa DC para magpaturo sa kapatid ko. Sosyal. Kasi naman, may duty yung Ate ko sa base. Yung isa namang kapatid ko, let's say, may aura siya na unsupportive. Yung Kuya ko, busy sa trabaho. Walang magtuturo sakin sa Washington. Isa pa, yung kapatid ko sa DC ang kauna-unahang iniyakan ko sa pagtanda ko at di ako basta-basta umiiyak. Ayoko kasi nang umiiyak. Ayokong magmukhang mahina. Kaya nga hindi ako umiyak nang magpaalam ako sa nanay ko bago ako lumarga. Walang goodba-goodbye kiss. Hindi ako lumingon sa kanya sa may gate nang humarurot na ang sasakyang maghahatid sakin. Nagpakabato ako. Dahil hindi bagay sa isang spoiled brat ang sentimental. Wala sa bokabularyo ng isang spoiled brat ang pangungulila. Mayroon lamang, pang-aalila.
Sa ngayon, basics ang inaaral ko. Hindi kami araw-araw nagsasanay. Sa parking lot ng Commisary ako nagpapaikut-ikot.
Nang unang beses akong makalabas sa parking lot, sa track oval kami ng Base dumiretso. Hatinggabi na noon. Pero gising na gising ako. At tuwang-tuwa, hindi ba halata? Pagkatapos, saka kami nag-jogging/walking. Nakatsinelas lang ako nun. Pero wala namang kaso. Akala ko nga mapipigtal o kaya naman e mapupudpod. Nakadalawang round din ako kahit papaano. Pero maliit lang yung track oval. Mga 400 km lang isang loop. Ansarap ng pakiramdam. Unang beses kong pagpawisan dahil sa physical activity.
Nung isang araw, unang successful attempt ko mag-park. Pasok sa linya at may espasyo magkabila. Malalim na ang gabi at medyo mahina ang paningin ko. Pero ina-assist naman ako.
Para akong nanalo ng pa-raffle sa kotse. Minsan lang 'to mangyari. Hindi na 'to mauulit. Lubusin na.
Kung kelan ako tumanda, saka bumabaw ang kaligayahan ko.
0 comments:
Post a Comment