Monday, August 20, 2007

Hango sa "Baobab" (9/13)

NORMAN

“Baobab!”

Nakatunghay ba talaga sa akin ngayon ang maalamat na puno ng baobab? Kinurot ko ang aking sarili. Gising ako. Oo, gising na gising ako. Nasa likod ni Em-em ang baobab.

Tumayo ako at patakbong lumapit sa higanteng puno. Hinaplos-haplos ko ang magaspang nitong balat. Niyakap ko ang baobab hanggang sa abot ng aking nakaunat na mga kamay. Pinikit ko ang aking mga mata saka marahang binigkas ang “Tree”.

Nasa huling taludtod na ako ng tula nang maramdaman kong may lumapat na mabigat na kamay sa aking balikat. Dumilat ako at nakita si Em-em, ang kanyang mukha biglang umaliwalas.

Tinanggal ko ang aking mga kamay sa pagkakayapos sa baobab. Tinitigan ko si Em-em at nangusap ang kanyang mga mata.

“Sandali lang. Ano’ng meron?”

Nakatayo na sa tabi namin si Kiwi, palipat-lipat ng tingin sa pagitan namin ni Em-em.

***

MIGHTY MICKEY

Ito na ‘yun.

Nang marinig kong isigaw ng bata ang ngalan ng puno, nagbalik sa aking gunita ang pag-uusap namin ni Amo, ang aking guardian.

“Naalala ko na, Kiwi!”

“Ha?”

“Iyon pala ang ngalan ng punong pinapahanap sa akin ni Amo. Ito na ‘yun!”

“Ano’ng pinapahanap nino?”

Sumali sa usapan ang bagong saltang may utak pala.

“Ito ang punong baobab kung saan nakabaon ang kasulatan para ako ay maging isang ganap nang superhero!”

“Super-hheee-hero?

Sabay kaming tumango ni Kiwi. Bigla siyang tumawa. Nang mapansin niyang tahimik lang kami ni Kiwi, tumahimik din siya at humingi ng paumanhin. Na agad ko namang tinanggap.

“Ano’ng klaseng superhero ka?”

“Hindi pa siya nagiging superhero. Hindi pa niya naipapasa ang basic requirement.”

Inunahan ako ni Kiwi.

“Sandali lang, Kiwi. Dati pa akong superhero.”

“E di ba ang kwento mo sa akin...”

Hindi ko ikinuwento ang lahat. Pero tutal naman nahanap ko na ang baobab, hindi naman siguro masama kung mas ipaliliwanang ko pa sa kanila ang aking pagkatao.

“Dati na akong superhero. Maaga akong natutong lumipad. At kinilala akong superhero bago pa man ako mag-pitong taong gulang.”

“Bakit? Paano? Tapos?”

Sunud-sunod ang tanong ng bagong salta. Si Kiwi nama’y tahimik na nakikinig.

“Tatlong taong gulang ako nang makapagligtas ako ng isang matandang binging tumatawid sa riles ng tren. Hinahabol ko noon ang mga uwak at nakita ko siya. agad ko siyang inilipad at isinabit sa isang akasya.”

“Ganoon ka kalakas?”

Hangang-hanga si alyas Coproman.

“Marunong kang lumipad?”

Nailito ko ang batang makulit.

“Oo. Magaling talaga akong lumipad noon. Pero may nangyari at…”

“Ano’ng nangyari?”

Nahirapan akong sagutin ang tanong ni Kiwi. Matagal kong nilabanan ang kalungkutan sa pangyayaring iyon. Pinilit kong kalimutan ang araw na ‘yon. Pero heto ngayo’t inuungkat ng isang batang nakapagligtas sa akin.

“Kailangan ba talaga?”

“Ikuwento mo na.”

“Oo nga.”

“Pitong gulang ako nang lihim na umatake ang mga kalaban. Sila ang mga hybrid. Humihingi sila ng pantay na karapatan sa aming mga GMO. Gusto rin nilang makapasok ang kanilang lahi sa aming Training Center. Pero hindi pumayag ang aming Pinuno. Sinugod nila ang aming kampo habang dinaraos ang taunang UFC.”

“UFC?”

“Universal Flying Cup. Paligsahan sa paglipad, ang isport ng mga GMO.”

“GMO?”

“Generic Mighty Organism. Sa madaling salita, silang mga superhero.”

Si Kiwi ang sumagot sa tanong ni alyas Coproman.

“Kasali noon ang aking mga magulang. Sa gitna ng paligsahan, saka sila lumusob. Nahuli nila ang aking ina. Tinangka ni Amang habulin ang tumangay kay Ina pero hinarang siya ng Powerpatoom, ang pinakamalakas na halimaw na kalahating tao, kalahating ubi. Ito raw ang secret weapon ng hybrids. Pinaulanan nito si Ama ng mga high-speed bulbil gamit ang kanyang MBA.

“MBA?”

“Massive Bullet Attack. At sa isang iglap, naglaho…si...Ama..”

"Ano’ng nangyari sa nanay mo?”

“Dahil sa lakas ng impact ng MBA, nagkaroon nang pagkakataon si Ina na makatakas sa sundalong hybrid. Pero agad siyang napansin nito. Naghabulan sila nang naghabulan. Hindi na ako mapakali. Nagtago ako kay Amo, ang aking guwardya na ngayon ay ang aking guardian at binuntutan ang humahabol kay Ina. Pero may sumulpot na isang +2 upgraded hybrid warrior at agad na naabutan si Ina. Nanlaban si Ina pero sinakal siya at tinulak pababa, pababa...”

“Tapos..?”

“Bigla siyang binitawan at dahil nanghina si Ina hinila siya ng gravity pababa, pababa...”

“Kaya natakot ka nang lumipad?”

“At hindi ka na kinilalang superhero?”

Tumalikod ako sa kanila at hinarap ang higanteng baobab. Hinaplos ko ang balat nito at saka sinubukang yakapin ang puno. Huminga ako nang malalim bilang paghahanda para bunutin ang…

“Sandali lang!”

Natigilan ako at nilingon ang sumigaw. Si alyas Coproman. Hinila niya ako palayo sa puno at saka sa harap nito’y hinarang ang kanyang katawan.

“Hindi mo maaaring gawin ‘yan.”

“Tumabi ka r’yan.”

“Ano’ng gagawin mo sa baobab?”

“Nakabaon sa ilalim ang kasulatan…”

“Pero hindi maaari. Ang punong ito ay maalamat.”

“Sino ka ba? Ano’ng alam mo?”

Saka siya nagkwento.

***

Copyleft Viola C. Flies 2007

0 comments: