Wednesday, July 25, 2007

'Wag Po Akong Salingin Baka Tenga'y Magpanting

Sabi nga ni Esper (Pitik-Bulag sa Buwan ng Pebrero), "Naiintindihan n'yo ba 'ko? Ako, hindi. Maraming hindi nakakaintindi sa'kin pero iintindihin ko ba sila e hindi naman sila nagpapaintindi para maintindihan sila dahil di nga sila maintindihan."

Windang MODE.

Inaamag na ata ang utak ko. Hindi ko maalala kung nabasa o narinig ko kung saan na bago pa man daw matutong magbasa ng banyagang mga akda ang isang tao, mainam daw na sariling panitikan muna ang basahin (na hindi ko ginawa pero nung Biyernes pagkatapos ng Helly Week bigla ko naalala na matagal na ring nag-ayuno ang aking kaluluwa kaya nagpasya akong bumisita sa Filipiniana.)

Kagabi tinapos ko ang Pitik-Bulag sa Buwan ng Pebrero ni Ricardo Lee, na akala ko'y maikling kwento pero dula pala.

Kaninang umaga tinanghali ako ng gising dahil napuyat ako sa pakikinig sa monotonous na linyang inaalboroto ng tambay sa eskinitang tinitirhan ko. Akala ko nga'y nananaginip ako. Pero nang bumalikwas ako, totoong boses pala ng isang gago. Iyon na ata ang pinakanakakatangang karanasan na mapakinggan ang angst ng isang totoong tambay. Wala sa kalingkingan ng galit ng mga tipong Jong and company ng Barriotic Punk ni Mes de Guzman. Eto ang natatandaan ko:

"Tirahan na lang tayo, ano? Pinagtatanggol ko kayo lagi tapos blahblahblah. Tirahan na lang tayo, ano? Pinagtatanggol ko kayo lagi tapos blahblahblah. Tirahan na lang tayo, ano? Pinagtatanggol ko kayo lagi tapos blahblahblah."

Parang yung lyrics sa isang kanta, "Para kang sirang plaka na paulit-ulit."

Totoo. Ang CORNY. Panira ng madaling araw. Pinikit ko na lang uli ang aking mga mata habang iniimagine ko ang sarili ko na may hawak na bote ng San Miguel beer at pagkatapos ay ibabato ko mula sa aking bintana at sasapul sa ulo ng kung sinumang gagong iskandalosong tangang 'yon, sabay sigaw ng, "Magpraktis ka muna ng linya mo. Lagyan mo ng laman. Nakakabobo e. At lagyan mo ng feelings. Yakyu!"

Sinimulan ko ang Sa Aking Panahon 13 Piling Katha ni Edgardo M. Reyes at lumampas naman ako ng kalahati bago ako nagpasyang makipag-usap sa aking sarili.

Sinimulan ko ang Sunday checkup.

1. What's the best thing in (your) life?

2. What makes life so cool?

(1) Learning how to read.

(2) Being able to read, and actually enjoy doing it.

Sa manipis na librong 'yon, nakakilala na naman ako ng isang kahanga-hangang nilalang. Gusto ko na siya noon pa man sa Sa Mga Kuko ng Liwanag. Pero ngayon, dahil sa Paunang Salita/Foreword, lalo na sa Ama (o Aking Ama), lalo ko pa siyang nagustuhan. Kahapon habang iniiscan ko ang libro sa loob ng bus (dahil hindi ako maka-concentrate ng pagbabasa pag maraming tao at magulo), napunta ako sa unang pahina ng Ang Gilingang Bato. Binasa ko ang Introduksyo/Prologo at hindi ko na nakalimutan ang linyang ito:

"Na sa isip ko, pagkaraang masulat ko ay puwede na akong magbaril sa ulo."

Ang tinutukoy rito ay yun daw nobelang Ang Daigdig Bago si Adan, kung saan walang tao sa mundo, meron lamang mga hayop at halaman sa isang paraisong-gubat. Na perpekto na sana ang mundo kung hindi lang daw "nagkamaling" lalangin ang TAO.

Delusion of grandeur?

Akala ko ako lang ang akusado sa ganito. Biglang nagtatawa ang aking brain cells.

Sa seksyong din 'yun isinulat niya ang tungkol daw sa pagbanat ni Ricky Lee sa kanya.

Wattacoincidence! Sabay ko pa silang binasa. Tawanan na naman ang aking mga selula.

Parang ayoko tuloy tapusin ang libro. Parang wawakasan ko na rin ang pakikipagkilala ko sa kanya sa sandaling umabot sa tuldok ng huling pahina ng libro ang aking mga mata. Ayaw ko siyang pakawalan. Paborito ko na rin siya. Kasama ni Jun Cruz Reyes. Bibihira makakilala ng magagaling na hindi mayabang.

Balik sa Pitik-Bulag. Tatlong pangunahing tauhan. Tatlong babae. Tatlong kwento. Iisang kapalaran?

Naalala ko bigla ang inianak ko ring triplets na hindi ko pinangalanan. Ang una'y inilabas ko't nakapagkwento, ang ikalawa'y bitin ang kwento, at ang ikatlo'y dahil huling lumabas wala pang kwento. Isang tuluyang konbersasyong hindi natapos. Inspired ng Last Order sa Penguin ni Chris Martinez. Hanggang simula lang palagi ang kaya ko. Hindi ako kwentista. Hindi ko kayang isustain ang naratibo nang pagkahaba-haba. Gaya ni Pat, ayon kay Erwin, ako'y turista rin lamang. Pa-sight-see-sight-seeing. Hanggang doon lang ako. Ayokong tumigil at magtagal. Ako'y nomad.

Nomad. No mad. Hagalpakan na naman ang mga selula.

Pinakamalupit na conversation sa dula:

Yolly: Kailangan ko ng tulong.

Pat: Ba't sa'kin?

Yolly: Dahil wala kang simpatya sa'kin. Puwede mo 'kong tulungan pero di mo 'ko kaaawaan.

Si Yolly. Naaalala ko sa kanya si Wanja ng Talulot na Dugo ni Ngugi Wa Thiong'O. Naaalala ko rin ang Underground in Japan na hindi ko natapos gayong singkapal lang ito ng Utos ng Hari at iba pang Kuwento ni Jun Cruz Reyes.

Dito siguro mas akma gamitin ang deksripsyong dark story, hindi sa mga kwentong bampira't katatakutan. Nakakaubos ng lakas ang pagbabasa nang ganoon. Pakiramdam mo'y nabubutas ang loob mo. Kumbaga sa Harry Potter and the Prisoner of Azkaban ni J. K. Rowling, e nabiktima ka ng Dementor's kiss. Hinigop na lahat ng nasa loob mo, kasama na ang kaluluwa mo. Ganoon ang pakiramdam ko nang basahin ko 'yun kaya hindi ko tinapos. Parang ganoon din pero milder naman kaya hindi ko matuluy-tuloy ang Angela's Ashes at A Spot of Bother.

Saka na, pag masaya na ako, saka ko sila itutuloy at tatapusin. At least, may lakas na mawawala. Dahil kung ngayon baka mag-crack ang bungo ko. Walang made-drain. Kawawa naman ako. Walang satisfaction.

Nakadepende talaga sa mood ang pagbabasa.

Leisurely reading nga ba talaga?

Nakakatakot talaga magbasa ng panitikang Pilipino. Parang horror stories. May goosebumps. May hallucinations. Nakakarimarim kasi alam mong nakabatay sa totoong buhay. Litaw ang kultura. Sinasalamin ang lipunan. Kadalasan, yung pangit pa.

Human rights. Mayroong individual rights, ano nga? Naalala ko kasi yung ina ni Esper. Nawalan daw ng karapatang maging mabuting "siya". Naging mabuting anak sa kanyang magulang. Naging mabuting asawa tapos naging mabuting ina. Laging nakabatay sa relasyon sa iba pero wala ng sa indibidwalismo.

Sino na nga 'yung nakikipagdebateng prayle sa Noli Me Tangere tungkol sa pagiging hiwalay ng pagka-"pari" sa pagiging ordinaryong tao? Parang ganun kase 'yun e.

Hi Viola! Thanks for your inquiry and we'll be waiting for your manuscripts.

Sayang. Gustuhin ko mang lumikha, ayokong mangwasak. Ayokong manghiram ng kwento ng iba na kakatayin pagkatapos ay pipiliin lang ang ilang natipuhan para lang makalikha ng obra. Wala akong karapatan sa buhay nila. Kahit na sa triplets kong hindi nabinyagan.

0 comments: