Darn.
Nagpi-feeling na naman ako. Hindi ko tinapos 'yung libro ni EMR. Sinoli ko kasabay ng kay Ricky Lee. Tapos humiram ako ng panibagong dalawa. Pero sa SocSci naman. Random. Hindi ko maalala ang saktong pamagat, pero tungkol sa dropout. 'Yung isa, The Anarchists. Hindi ko nagustuhan yung una. Sa States naman kasi yung pinag-aralan. Ang hinahanap ko eh mga tipong Jojo Boy (Utos Ng Hari). Iniscan ko lang hanggang katapusan habang nagpapatila na ng ulan bago pumasok sa 115 lec. Nang magsawa ako, iniwanan ko na sa sulok.
Kanina, naiirita akong tingnan siya. Hindi ko siya napakinabangan. Hindi ko siya kinatuwaan.
Nainis ako sa sarili ko. Gusto kong isoli na agad. Ayaw ko na siyang makita pa nang matagal tapos nakakalat lang. Ampangit kaya nang ganun. Kaya nga may libro, para basahin. Asar naman kasi ang memorya ko. Hindi ko maalala yung saktong pamagat nung nahiram ko dating biography ni Karl Marx. Interesting pa naman. Nakaabot ako ng 30+ pahina nang upuan ko siya sa loob ng SocSci ng Mainlib noon. Hindi ko na siya naiuwi kasi magsasara na ang iskwelahan noon. Sayang talaga.
Pero natuwa naman ako dun sa ikalawang libro. Matagal na rin akong nakukyuryus sa anarkismo. Negative kasi ang stereotype ng lipunan sa -ismong 'to. Sorry na lang mahilig ako sa conspiracies.
Hindi ako makapaniwala. Dalawang beses ko rin itong naisali sa mga usapang may kwenta ang kausap, at natuwa ako dahil hindi 'yung stereotype ang narinig ko sa kanila. Tapos nung sinimulan ko na ngang basahin yung libro, lalo ako naexcite. May natuklasan ako. May mga sintomas pala sa akin. Tapos may mga nakilala rin ako. Although si Jean-Jacques Rosseau ang tinuring na mala-father of anarchism, ang orig na tagapagsulong ng anarkismo dahil sa kanyang sinulat ay si William Godwin, na tatay ni Mary na sumulat ng Frankenstein at siyang asawa ni Percy Bysse Shelley.
Frustrated reading ang kaso ng aking naging unang attempt sa Frankenstein. Napanood ko na kasi ang pelikula nito bago ko pa man balaking basahin. Hanggang ngayon, isa ito sa mga nakapila sa To-Do List ko na bagamat matagal nang expired ang palugit na tinakda ko ay hindi ko pa rin binubura.
Anyway, may isa pa akong nakilala at siya'y kinatuwaan ko. Isang Ruso, si Michael Bakunin. Hindi niya gusto si Karl Marx at tahasan niya itong kinontra. Tapos may isang kwento kung saan nagtagpo silang dalawa at sinabihan siya ni Marx na isang idealist something, tapos binanatan naman ni Bakunin ng masasakit na salita (na tipong naririnig ko yung mga pinagsasabi niya kaya tawang-tawa ako). Hindi ako kontra kay Marx, pero nung nabasa ko yun natawa ako kasi parang ang dating nila sa akin mga tinedyer na nag-aasaran, kung saan si Bakunin ang mainitin ang ulo at mas magaling mang-asar.
Ang nagpahanga sa akin sa kanya ay yung komento ng isang tao (ewan kung manunulat o pilosoper) sa kanya:
May pamalit na ako kay oh-so-lovely Edward Cullen, for the meantime."He loves ideas but not the people."
So far, nasa Chapter One pa lang ako. Pero andami-dami na agad na sinasabi tungkol sa anarkismo, na bagamat ngayon ko lang nabasa ay may ilang matagal ko na naman palang pinapraktis nang hindi ko namamalayan.
Pabor naman talaga ako sa destruction as a means to start anew. Kaya nga kinampihan ko noon si Simon kaysa kay Padre Florentino sa El Filibustersimo. Pati na rin ang Theory of Catastrophism ni Georges Cuvier nang i-lesson noon sa Geol 11.
Man is by nature, good. It's just the institution that corrupts him.
Ang matagal ko nang pinipilit ding kalabanin. Ang hindi nakikita. Ang abstrakto. Kumbaga sa Panpil 17 at kay Mercy (Mercy, Unbound), patriyarkiya. Kay Jojo Boy (Utos ng Hari) at sa ABNKKBSNPLAKo?! ni Bob Ong, edukasyon. Sa Noli Me Tangere at El Filibusterismo, simbahan at pamahalaan.
Now Showing: Muling Ibalik ang Tamis ng Angst
Hindi ko pa man natatapos ang mga librong hanggang sa kasalukuyan ay nakapila pa rin, may bago na naman akong inangkin galing sa Booksale. Nakita ko yung dalawang bestsellers ni Carl Hiassen. Kapansin-pansin yung mga libro niya. Colorful. Bright shades. Attractive. Parang pambata pero hindi naman lahat. Hoot at Flush lang ang alam kong YA fic na gawa niya. Oo nga pala hindi ko pa nababasa ang Flush. Pero ang binili ko ay yung ikalawang koleksyon ng kanyang mga kolum sa isang dyaryo, Paradise Screwed. Hindi ko pa rin siya natatapos kasi nama'y bombarded ng tungkol sa kultura, partikular sa pulitika ng Florida samantalang hindi ko nga pinapatos ang sa sarili kong bansa. Hindi ko rin masakyan ang puns niya kasi nga iba ang kultura. Mga kakornihan ni Stefan Koski at tipong sarkasmo ni Ned Vizzini lang ang kaya kong i-absorb.
Sinabi na kasing 'wag nang pilitin ang sariling magbasa ng pang matatanda. Magulo na'y wala pang exit.
Speaking of Exit, gusto kong basahing muli ang No Exit ni Jean Paul Sartre. Pakiramdam ko kasi'y binuburo na naman ako ng mundo.
0 comments:
Post a Comment