Saturday, March 10, 2007

Ambisyon

I.

Gusto ko maging manika.

binibihisan, sinusuklayan, minsan pinaliliguan

kinakausap, pinagagalaw

niyayakap, tinatabi sa pagtulog,

dinidisplay o tinatago



II.

Naluluma pero hindi tumatanda.

di kailangang pumasok sa iskwela,

magtapos ng pag-aaral, maghanap ng trabaho,

kumita, mag-asawa’t magkapamilya



III.

May nagmamay-ari pero walang alagaing relasyon.

walang kaaway, wala ring tunay na kaibigan

walang magulang, kapatid, kamag-anak, ninong at ninang

wala ring boss, ser/madam, mister/misis, at kalaguyo


IV.

Nababalian ng binti o braso,

napapanot o nakakalbo

minsan pa’y napupugutan ng ulo

pero...

hindi namamatay



V.

Hindi umiiyak

Hindi tumatawa

Hindi naglalakad

Hindi tumatakbo

Hindi kumakanta

Hindi sumasayaw

Maliban na lang kung de-baterya

VI.

Gusto ko maging manika.

tinatanggal sa kahon –

kalaro ng mga bata.

binabalik sa kahon –

alaala ng tumanda.

0 comments: