“Bukas na po kami.”
Nakasulat sa streamer na nakasabit sa harap ng bagong mall na katapat ng SM West (SM North Edsa), ang Tri-Noma.
Mahigit isang taon din bago naitayo ang napakalapad na istruktura nito. Hanggang ngayon, sa tuwing napapatingin ako doon pag dumaraan ang jeepney na sinasakyan ko, hindi ko maalis sa isip ko ang kuwento ng Sa Mga Kuko Ng Liwanag.
Mabangis ang nobela‘ng ‘yon. Totoo. Lumatay sa akin ang mga usaping ginisa roon, lalo na ‘yung mga matatalinhagang intro sa bawat chapter nito na naka-italicized.
Kahirapan = kaalipinan.
Sa labis na alab ng aking damdamin sa librong iyon, hindi ko na tuloy nagawang magpasa ng bonus book review noon para sa Humanidades I. Ayos na rin iyon. Hindi ko napakawalan ang mga diwa. Baka kung naisalin ko na sa salita ang aking saloobin ay magmistula na lamang itong “palumpon ng mga bulaklak” at tuluyang mabulok para lamang sagpangin ng mga decomposer.
Ang pangit lang nito e kahit hindi nalalanta, hindi ko naman mai-display. Nakatago lamang sa loob. Dito sa tumitibok na lamang-loob.
0 comments:
Post a Comment