Monday, October 29, 2007

Hala Sige Mabaliw ka sa Storyang Glorietta Explosion

Huwag mo akong isusumbong. Gusto ko lang namang ikwento sa'yo ang nangyari sa akin noong gabing ‘yon. Tsaka hindi ko naman ginustong umalis doon. Ang totoo niyan e masaya na ako sa loob. Doon kumakain ako nang tama sa oras, nakakaligo, nakakapagpalit ng damit. Isa pa, may taga-laba doon. Wala ring problema sa libangan. May komiks, magasin, libro, baraha, radyo't telebisyon. Maluwang at maaliwalas ang silid ko roon. Wala na akong hihilingin pa. Maliban na lang nang gabing iyon. Hindi ko rin inakalang mangyayari sa akin iyon. Lalong hindi ko inasahang magagawa ko ang bagay na iyon.

Martes. Mag-aalas sais ng gabi. Nakahiga ako sa aking kama nang bumuhos ang malakas na ulan. Naramdaman kong umaampiyas sa aking tagiliran kaya’t bumangon ako at sinarhan ang bintana. Madilim sa aking silid. Mag-isa lang ako sa kwarto pero hindi naman ako natatakot. Ani nga ng mga kasamahan ko, ke tapang ko raw. Ang totoo, ayoko rin kasi ng may mga kasama. Bukod sa maingay at magulo, hindi ako mahusay sa pakikipaghalubilo. Kinapa ko ang switch para buksan ang ilaw. Pagkatapos binuksan ko ang telebisyon. Inilagay ko sa paborito kong istasyon at saka ako bumalik sa pagkakahiga sa aking kama. Natuon ang aking pansin sa binalitang trahedya sa sentro. Sumabog ang pinakasikat na gusali sa labas. Napabangon ako sa aking kama at inilapit ang aking ulo sa screen. Tinitigan ko ang mga nakunang larawan ilang sandali lamang matapos ang pagsabog. Nakita ko ang isa sa mga kasamahan kong inilabas sa stretcher. Hindi ako maaaring magkamali. Kitang-kita ko ang marka sa kanyang talampakan. Sandali akong kinabahan, hinintay ko ang sasabihin ng reporter. Nang maideklarang patay ang katawang nakapokus, napabuntung-hininga ako. Mahusay, Dakila. Ang tanging inalala ko na lang nang mga oras na iyon ay ang kanyang katawan. Nakatakip ito at hindi ko sigurado kung malinis siya. Isang kapirasong tela lang, sabit ang grupo. Kaya hindi na ako nag-alinlangan pa. Muli kong binuksan ang bintana. Patuloy pa rin ang malakas na buhos ng ulan. Isa, dalawa, tatlo. Tumalon ako at bumagsak sa mapanghing kanal. Putris ang baho. Agad akong tumayo at gumilid sa pader papuntang kasukalan. Nang may ilang metro na ang layo ko, agad akong kumaripas ng takbo sa gitna ng kalsada. Hindi ko inalintana ang lakas ng buhos ng ulan, bagamat basang-basa na ako at ramdam kong bumibigat na ang maong ko. Malapit na ako sa kwarter nang mapigtal ang aking tsinelas. Lintik naman. Dinampot ko na lang at saka dali-daling dumiretso sa kwarter. Pagtulak ko nang pinto lumantad ang ilang kalalakihang nagsiksikan sa isang bangko. Agad naman akong sinalubong sa tarangkahan ni Marvelus. Nginuso si Rebo. May pustahan na naman pala ang mga loko, nagyaya pa ng mga gurang. Binulong ko ang napanood ko sa tv. Kailangan naming makatiyak. Nagpasyang sumama sa Marvelus. Bago kami umalis, nagpalit muna ako ng damit, nagsuklay, at nagsapatos. Hindi ko napigilang matawa sa porma ni Marvelus. Suot nito ang kanyang bagong Ray-ban. Dahil kinailangan naming magdali, sumakay na kami ng taxi papunta sa sentro. Binigyan ni Marvelus ng tip ang mamang drayber. Galante ang mokong.

Pumuslit kami sa ground zero at naghalungkat para sa mga nagutaytay na damit ni Dakila. Wala. Sana nga. Nagyaya na si Marvelus umuwi. Tinanong ko siya kung safe na kami. Sabi niya’y magtiwala kay Dakila. Hindi raw niya kami ipapahamak. Bumalik kami sakay ng jeep. Pagkatapos, nagtraysikel kami hanggang sa puting gusali. Pero sinabi ko kay Marvelus na ihahatid ko na siya. Dumiretso ang traysikel sa kuwarter. Nag-aabang si Rebo sa labas. Kinamayan ako ni Rebo tsaka kinumusta ang aming lakad. Inabutan niya ako ng dalawang libo. Baon ko raw sa loob. Inabutan niya rin si Marvelus. Mukhang malaki ang kinita niya kanina sa pustahan. Nagpaalam ako sa kanila na babalik na. Inalok ako ni Rebong ihatid. Tumaggi ako dahil tiyak mahuhuli ako. Pinayuhan niya akong huwag munang lumbas pansamantala. Sabi ko’y sabi ni Marvelus ay ligtas naman kami. Sabi niya’y hindi raw kami makakatiyak. Nangako ako. Saka niya sinara ang pinto.Tumakbo na ako. Pagdating ko sa kasukalan, saka ako tumigil at napaisip. Paano ang pamilya ni Dakila? Paano ang burol niya. Hindi nabanggit ni Rebo o ni Marvelus ang pagdalaw sa kanya. Siguradong mapanganib. Pero hindi naman ako magpapakilala. Hindi ko naman kailangang humarap sa kanila. Gusto ko lang makita ang lagay ng pamilya niya. At siya, sa burol. Kahit silip lang. Tama. Sisilipin ko lang. Sa kabilang direksyon ako tumuloy at saka nag-abang ng jeep. Mag-aalas diyes na pala ng gabi. Kumalam ang sikmura ko. Pagbaba ko ng sasakyan, pumasok ako sa isang fastfood. Buti na lang pala at pinabaunan ako ni Rebo. Nag-takeout ako saka sinimulang kainin ang burger habang naglalakad. Narating ko ang bahay nila. Mula sa gate, nakita kong maraming tao sa garden. Nagsusugal. Putris. May tumigil na SUV sa tapat ng gate. Sa gulat ko napadapa ako sa damuhan. Bumaba ang isang lalakeng naka-barong na pinalibutan ng mga bakulaw na de-shades. Pumasok sila sa loob at agad na sinalubong ng mga naroon. Sinamantala ko ang pagkakataon na makapasok din at sumiksik sa mga nanonood ng nag-mamahjong sa garden. Nakalimutan ko nang magtatago lang dapat ako kaya hindi ko inasahan ang sumunod na nangyari. May tumapik sa akin mula sa likuran. Paglingon ko, nakatayo sa harapan ko si Hudas. Ang dati kong titser ko sa Disciplinary Arts. Nahalata niya ang kaba ko nang pumatak ang pawis ko sa kamay niya na nasa balikat ko. Hinigpitan niya ang hawak. May pag-uusisa sa kanyang mukha. Hindi niya pwedeng malaman. Hindi pwede. Isa, dalawa, tatlo. Mabilis ang mga pangyayari. Bumwelo ako saka ko siya itinulak sabay karipas ng takbo. Bigla binuksan ko ang pinto ng SUV sa likuran saka sinigawan ang gulantang na drayber na i-start ang sasakyan. Hindi siya kumibo kaya tinadyakan ko siya palabas saka umupo sa driver’s seat at inistart ang makina. Humarurot ang sasakyan. Hindi ko alam kung saan ako pupunta, basta liko lang nang liko para mailigaw kung sino mang mga humahabol sa akin. Hindi ako magpapahabol kay Hudas. Hindi niya dapat matuklasan ang lihim naming samahan. Hindi ko pwedeng ikanta sina Rebo at Marvelus. Hinding-hindi ko aaminin sa kanila na magkasama kami ni Dakila nang araw na ’yon. Na tumakas kami sa klase ni Hudas at nagpunta sa mall para hanapin ‘yung libro sa paggwa ng improvised fake timebomb para sana sindakin ang buong section. Napaiyak ako sa sobrang takot at galit. Madilim na ang kalsadang dinadaanan ko. Nabili na namin ang libro at si Dakila ang nagbayad. Paspas ang takbo ng sasakyan. Nanikip ang dibdib ko. Binuksan ko ang bintana. Nagsimulang pumatak ang ulan. Tawa kami nang tawa sa escalator. Lumakas ang buhos ng ulan. Sinara kong muli ang bintana. Nagpaalam siyang mag-si-CR muna sandali pagkababa namin sa lobby. Lalong dumilim ang paningin ko. Wala na isang poste ng ilaw. Nagpasya akong umupo sa may fountain habang hinihintay siya. Paupo pa lang ako nang biglang may sumabog. Biglang may maliwanang sa harap ko. Nasisilaw ako. Truck. Putangina mababangga ako. Nasa left lane na pala ako. Bago pa man ako makapag-isip, binaling ko ang manibela sa kanan. Nakita kong unti-unti nagcollapse ang escalator, ang second floor, ang mga haligi sa paligid. Sa sobrang kaba ko nawalan ng kontrol ang tapak ko sa gas. Hindi ko natapakan ang break. Nawasak ang concrete fence. Bago pa ako makakilos, makapal na usok ang bumalot sa paligid. Dumire-diretso ang sasakyan. Hanggang sa maramdaman kong airborne na ako. Pagmulat ko nasa gusaling puti na ako. Siya ang agad kong hinanap. Nang maisahan ko ang nars na nakatoka sa akin nang gabing ’yon, saka ko nakilala sina Rebo at Marvelus. Sila ang nagturo sa akin kung saan kita makikita. Bumagsak ang sasakyan sa batuhan. Sa wakas, magkikita na rin tayo, Dakila.

0 comments: