Sunday, December 9, 2007

"Kailanman, hindi niya (Bonifacio) isinuko si Rizal."

Patay na ang isa sa mga paborito kong guro sa unibersidad.

Tatlong araw na ang nakararaan. Nasa Kule raw. Hindi na ako nakakabasa ng dyaryo mula nang ma-confine ako sa pugad kong Institute. Kakatwa dahil katabi lang naman namin ang AS pero hindi umaabot sa amin ang distribusyon.

Naaalala ko sa kanya si Ginoong Frank Mccourt at ang araw na binasa ko ang libro nitong Teacher Man. Asiwa ako sa kanyang klase noong unang araw ng pasukan. Ayaw na ayaw ko noon kay Jose Rizal sa irasyunal na paraan. Higit sa lahat, napatda ako nang malaman kong may kahirapan siya sa pagsasalita at kinakailangan pa niyang gumamit ng mikropono.

Pero nabago ako ng kanyang kurso. Binago niya ako. O marahil, tinuwid niya ang kanang bahagi ng utak ko.

Gusto ko siya hindi lang dahil sa binigyan niya ako ng uno o hindi niya kami nirerequire na tapusin ang dalawang nobela ni Rizal. Hindi rin dahil give-away ang mga exam niya at pwedeng magpasa ng mga reaction paper bilang bonus points. Paborito ko siya dahil sa kabila ng kanyang kapansanan at pagiging mainitin ng ulo, nakukuha niyang ngumiti bago mag-dismiss ang klase. At sa ngiting iyon na puno ng sinseridad nasilip ko ang anyo ng buhay ng tao sa punto de-bistang itinatanggi ko. Sa kapirasong natutunan ko hinggil sa kanyang buhay, hindi ko lubos maisip kung paano ako magtatagal sa mundo, sakali't ako ang nalagay sa kanyang sitwasyon at nangyari sa akin ang mga karahasang nag-iwan ng pilat hindi lamang physically, kundi mentally and emotionally. Lalo't higit, hindi ako ngingiti sa buhay nang ganoon. Matapos ang bangungot na nangyari? Hinding-hindi.

0 comments: