Lumabas na rin sa wakas ang nawawalang grade ko sa CRS.
Tensed na tensed ako nitong nakaraang linggo nang asikasuhin ko ang 1-unit course na Undergrad Seminar. Paano, katangahan kasi. Apat na taon na sa kolehiyo hindi pa rin matuto nang tamang paraan ng pag-e-enroll. Hindi nag-file ng Change Mat. Basta lang pinapalitan manually sa mga instructor ang class list nila. Kasi bayad na sa tuition nang malamang mali pala ang ini-enroll na subject. Hindi marunong sumunod sa ini-assign na section ng Institute. Pagkatapos hindi agad inasikaso bago matapos ang sem. Tuloy, hindi lumabas ang grade sa kompyuter. Dahil sa isang unit lang, madedelay pa si Tanga. Paano nga, tanga. Ang gusto pa'y mas maraming tao ang kakausapin. Mas maraming building na pupuntahan. At mas mahabang lakaran pa ang aasikasuhin.
Nagsimula ang aking task sa College Admin. Binigyan ng ChangeMat form tapos tumakbo na sa Institute para hanapin ang dating instructor. Matapos mapirmahan, dead end. Hindi na alam ang sunod na gagawin. Natapos ang maghapon pero hindi ang misyon. Makalipas ang ilang araw, muling binalikan ang misyon. Nag-matapang kaya sa OUR na dumiretso. Sa window ng Records' Section humingi ng saklolo. Kailangan ng loveletter este sulat para kay Maam Registrar na naglalaman ng hinaing tungkol sa nawawalang grade sa CRS. Pina-xerox ang classcard at inistaple sa sulat na may pahabol pang, "P.S. Ayoko po madelay dahil lang sa nawawalang grade. Gusto ko na po grumadweyt. Amen." Alas kuwatro empunto ng hapon ng Biyernes bago tuluyang magsara ang opisina, naihabol ang aking liham ng pagsinta. Linggo ng hapon nang mag-email ng hatol ang taga-Records' Section: kailangang mag-file ng Change of Matriculation. Patay kang bata ka. Tapos na ang registration period. Pero muntik na akong mamatay dahil sa malaking akala. Bumaba ang mga anghel na nagsipag-awit ng papuri. Na-extend pala ng isa pang linggo ang registration. Bagong umaga, bagong pag-asa. Lunes ng umaga, natagpuan ko ang ipinagpalit kong instructor at nagkaroon ng mahabang paliwanagan. Sa awa ng magandang umaga, naipanalo ko ang kanyang pirma. Kinaumagahan, I'm down to the last two steps: (1) pagbabayad ng change of mat na nagkakahalaga ng isanlibong sentimo at (2) pagsusumite ng accomplished form complete with signatures and whatnots sa OUR. Nakapila na ako sa Cashier's nang mapansin kong may naiwan pang bahid ng katangahan ang aking misyon. May kulang pang pirma. Pagkatapos ng klase, balik-hunting na naman ako sa nakasalisi kong instructor. Nasa Pav4 ako nang nasa IB siya. Nasa IB ako nang nasa Pav4 siya. Kaya pati yung dalawang guwardya sa dalawang building, nataranta para sa akin. Alas tres y medya, tagaktak ang pawis ko nang makarating sa aking huling destinasyon. Walang pila, this is a miracle! Pero diyuskoday kelangan pa aprubahan ni Maam Registrar ang aking papel. Kaya dali-dali akong lumipad sa ikalawang palapag at kumatok sa pinto ng Admin Office, ang opisinang parang maze. May pinto sa loob ng isang pinto. May silid sa loob ng silid. At sa loob ng silid sa loob ng silid, naroroon si Maam Registrar. Napakapribado ng kanyang buhay at... at... at napakalamig... ang sarap ng aircon... brrrr... Pagbaba kong muli, naloka ako kay Ate Admissions' na naloloka na rin sa mga kaganapan - mula sa mga estudyanteng makukulit, sa sistemang high-tech, hanggang sa sa mga tangang katulad ko. Alas kuwatro, muli, bago magsara ang opisina, naglakad ako pauwi sa aking tirahan.
Mission accomplished.
Post-script: Yung Dean's copy ng Change-Mat form pinasa ko sa College Admin kinabukasan.
0 comments:
Post a Comment